Ngayon lang nag-sink in sa akin na ang huli kong post dito ay halos apat na taon na.
Paano ba ang mag-isa?
Ang tanong sa itaas ay siyang tanong ko pagkagising ko kaninang umaga. Kasi, sabi ng isang kaibigan kagabi, "Tanggapin mo na kasing wala na kayo at hindi ka na niya babalikan."
Grabe o. Akala ko ang mga kamakailang pangyayari lang sa aking buhay ay nakikita ko lamang sa mga pelikula o soap opera sa tv. O di kaya sa mga pakikinig sa mga kuwento ng mga kaibigang broken hearted na dati ay hindi ako makarelate.
"Di ka pa nakaka-move on talaga," o "In denial stage ka pa." Wow. May ganon? Opo, Ms. Abbie Lara. May GANON.
Suwerte pa rin daw ako, sabi pa ng kaibigan ko kagabi. Kasi may closure daw kami. Samantalang sa kaso niya, putangina, wala. gago siya. magdusa siya kung miss nya na ako. Note, ako lang ang nag-revise ng huling sentence. Hindi nya ito sinabi talaga. Base lang ito sa aking pagkakaintindi sa sinabi nya. Hehehe. Pero ganun na rin yon.
So, hindi ko pa rin nasagot ang tanong sa itaas. Maaaring panahon lamang ang makasasagot nito. Baka pumanaw na ako sa mundong ito ay hindi ko pa rin lubusang maiintindihan ang buhay ko at kung bakit nangyari ang mga nangyari at mangyayari sa akin.
Kasalukuyang sinusulat ko ito sa aking maliit na kuwarto sa Kamuning, QC. Habang hinihintay matapos ang mahaba haba ring minuto ng rendering sa aking niraraket na editing. Pasalamat ako't makulimlim dahil kung hindi, doble tagos ang singaw ng init ng araw sa aking pad na nagmumula sa bubungan ng kapitbahay (tapat kasi ng bubungan ang bintana ng aking maliit na kusina).
Kahit sunday afternoon, hindi gaano kaingayan ang mga kapit-bahay. Salamat naman. Ang una kong linggo rito ay puros videoke at malakas na tunog ng sunday hitback over da radio sa ibaba ng kuwarto ko ang narinig ko. Kaya't tinapatan ko na lang ng mejo malakas lakas na tunog ng mixtape ko para lang lunurin ang diko trip na pakinggan that time sa aking neighborhood. Minsan kasi hindi ako nakakapagpatugtog ng sounds kaya't dinig ko ang mga sigaw at usapan at minsan mga away ng mga kapitbahay. Aliw din silang pakinggan. Hehehe. Makes me forget my problems and heartaches and sometimes, gutom. Masaya. Maingay. Minsan mabaho ang singaw na pumapasok sa mga bintana ng kuwarto ko. Pero ayos lang.
Ang mga ito ang pangkurot sa akin para magising sa bangungot ng iba't ibang problema ko.
At pagmulat ng mata, laging nakatawa hindi sa batibot, kundi sa realidad na bagamat totoo man ang mga bangungot na ito, ang difference lang, hindi bangungot ang nagdidikta kung ano ang mangyayari sa akin. Kundi Ako.
Chos! Isang beer pa ngaaa!!!!
Ay. wala pala akong kasama. Hehehehe.